NAGA CITY- Tinatayang aabot sa mahigit P230,000 na halaga ang natangay ng mga suspek sa isang tindahan ng mga cellphone sa Libmanan, Camarines Sur.
Nabatid na ang nasabing establisyemento ay pagmamay-ari umano ng Nel’s Marketing.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na nakita na lamang ng biktima na may mga nawawala ng gadget dito.
Ayon pa dito, tila mabilis umano ang naging kilos ng hindi pa nakikilalang suspek na tila pinagplanuhan pa nito ang naging pagkilos.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na sapilitang pumasok ang suspek sa nasabing establisyemento.
Nabatid pa na 24 na gadget ang natangay ng suspek na nagkakahalaga ng kabuuhang P237,954.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente lalo na ang pagtunton sa posibleng may kagagawan ng krimen.