NAGA CITY- Umabot sa nasa 1,338 rice area o hectares ang naapektuhan matapos ang pananalasa ni Bagyong Kristine sa bahagi ng San Fernando, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Allan Salvador, Head Municipal Agricultural Officer ng LGU San Fernando CamSur,sinabi nito na malawak at napakalaki ang naging pinsala sa mga palayan matapos ang hagupit ni Bagyong Kristine.

Batay sa report mula sa DA-Region 5 umabot sa kabuuang P69, 663, 822 ang napinsalang palayan na kung saan nasa maturity period of reproductive na ang mga ito.

Dahil sa pangyayari, bumagsak ang ani at umabot naman sa 1,262 na magsasaka ang naapektuhan.

Bilang tugon naman sa malaking dagok na ito sa agricultural sector sa bahagi ng San Fernando, nakaabang na umano ang rehabilitation program ng DA-Bicol kung saan mayroong inihahandang hybrid seeds ang opisina upang magamit sa muling pagtatanim ng mga magsasaka.

Maliban dito, mayroong tulong na ipinaabot ang Philippine Crop Insurance Corporation kung saan mayroong cash assistance sa mga magsasaka na nakapag-apply ng crop insurance bago ang pagtama ng bagyo.

Para naman sa lokal na pamahalaan ng San Fernando, mayroong libreng fertilizer na ipinapamahagi sa mga farmers at pagbibigay ng laminated trapal upang makatulong kahit papaano sa pangangailangan ng mga ito.

Samantala, nananatili paring lubog sa baha ang ibang palayan lalo na ang mga malapit sa Bicol River Basin lalo pa’t sa bayan ng San Fernando, bumabagsak ang malaking volume ng tubig mula sa Albay at Rinconada area.

Dagdag pa ni Salvador, makaraan ang halos 31 taon ,muling naranasan ng San Fernando Camsur at buong probinsiya ang malawakang pagbaha dulot ng bagyo.

Sa ngayon, umaasa ang opisyal na makaraan ang isang linggo, huhupa na rin ang baha sa ibang areas at muling makakabangon ang mga magsasaka sa kanilang bayan.