Binawian ng buhay ang hindi bababa sa 51 katao at nag-iwan pa ng mga na-trap survivor matapos na lumihis ang bus mula sa isang highway bridge patungo sa isang bangin sa Guatemala City.
Ayon sa fire department ng lungsod, ang bus ay punong-puno ng mga pasahero na patungo sana sa kabisera mula sa bayan ng San Agustin Acasaguastlan nang aksidenteng bumagsak ito nang humigit-kumulang 20 metro mula sa Puente Belice, ang tulay na tumatawid sa isang kalsada at sapa.
Kaugnay nito, ang mga bangkay ng 36 na lalaki at 15 babae ay ipinadala na sa isang provincial morge na itinakda para sa aksidente.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ang bus ay bahagyang lumubog sa wastewater, habang ang mga bumbero at mga rescuer ay patuloy naman sa kanilang rescue operation.
Idineklara na ni Guatemalan President Bernardo Arevalo ang tatlong araw na pambansang pagluluksa at inutusan ang kanyang mga sundalo at disaster agency upang tumulong sa nasabing aksidente.