NAGA CITY – Alam ba ninyo mga ka-Bombo, sa halip na katakutan ang mga holdaper na pumasok sa isang lending firm sa Hong Kong pinagtawanan lamang ito at ipidakip ng mga staff sa mga awtoridad.
Ayon kaya sa mga empleyado ng nasabing money lending firm, dalawang holdaper ang pumasok sa kanilang opisina at nag demand ng HK$200-M at humugot ng water gun na ginamit upang takutin ang mga ito.
Ngunit nahalata umano ng mga empleyado na ang inilabas na baril ng mga ito ay hindi naman totoong baril bagkus ay water gun lamang dahil gawa ito sa transparent na plastic na kulay asul.
Dahil dito, hindi ibinigay ng mga empleyado ang hinihinging halaga ng mga holdaper kung kaya lumabas muna ang dalawang kawatan sa opisina.
Dito naman nagkaroon ng pagkakataon ang mga empleyado na humingi ng saklolo sa mga awtoridad.
Hindi naman nagtagal bumalik ang isa sa mga holdaper at sa pagkakataong ito ay isang ballpen na ang dala nito na itinutok sa babaeng empleyado.
Agad namang inaresto ang holdaper at kinumpiska ang dala nitong water gun.
Wala namang natangay mula sa money lending firm at wala ring nasaktan na mga empleyado.