NAGA CITY- Nagpapatuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga otoridad matapos ang naging engkwentro ng tropa ng militar at mga miyembro ng rebeldeng grupo sa Brgy Camagong, Tinambac, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nangyari ang nasabing insidente bandang alas-9:30 ng umaga kahapon, Abril 6, 2022.
Ito’y matapos makatanggap ng report ang mga personahe ng 83rd Infantry (MATIKAS) Battalion at 501st Regional Mobile Force Battalion hinggil sa aniya presensya ng nasa 20 pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng grupo.
Kung saan, tumagal ng nasa sampung minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang kampo.
Maswerte naman na walang nasugatan sa tropa ng gobyerno habang hindi pa madetermina kung mayroong nasugatan sa panig ng mga rebeldeng grupo.
Samantala, nakumpiska naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang grenade launcher at iba pang mga terroristic materials.
Sa ngayon, naglagay na ng checkpoint ang mga otoridad sa ibat-ibang parte ng nasabing bayan para sa posibleng pagkakadakip ng mga nakatakas na pinaniniwalaang miyembro ng NPA.