Natanggap ng House Committee on Justice ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte, na nagpapakita ng pagtaas ng kanyang net worth mula 2022 hanggang 2024, ayon kay panel member Rep. Terry Ridon.

Batay sa mga dokumento, umabot sa mahigit P71 milyon ang net worth ni Duterte noong 2022 matapos ibawas ang P3.75 milyong liabilities mula sa kabuuang assets na P74.8 milyon ng Bise Presidente at kanyang asawa.

Noong sumunod na taon, tumaas ang kabuuang declared assets ng mag-asawa sa mahigit P80 milyon habang bumaba ang liabilities sa higit P2.5 milyon, dahilan upang umabot sa P77.5 milyon ang net worth ng Bise Presidente.

Pagsapit ng 2024, lalo pang tumaas ang net worth ni Duterte sa mahigit P88.5 milyon, batay sa SALN na may kabuuang assets na P98.4 milyon at liabilities na P9.95 milyon.

Advertisement

Ayon kay Ridon, kailangang suriin kung makatwiran ang tuloy-tuloy na pagtaas ng yaman taon-taon at kung may mga hindi maipaliwanag na pagkakaiba sa deklarasyon kumpara sa ibang impormasyon.

Pinuna rin ng kongresista ang nakasaad sa 2024 SALN na si Duterte ay stockholder umano ng isang kumpanya sa Davao City, na may umano’y hindi tugmang rekord sa kanyang pagsisiyasat, na posibleng magbukas ng usapin ng perjury.

Inaasahang tatalakayin ang mga dokumento sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice ngayong Miyerkules, Abril 22, kaugnay ng impeachment complaints laban kay Duterte hinggil sa alegasyon ng unexplained wealth at material non-disclosure sa SALN.

Inimbitahan sa pagdinig ang mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue, Securities and Exchange Commission, at dating Senador Antonio Trillanes IV upang magbigay-linaw sa mga isyu ng financial records at bank transactions.

Advertisement