Muling iginiit ng House prosecution panel na ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa umano’y pagkuha ng isang “hitman” laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay maaaring ituring na betrayal of public trust.
Sa panayam nitong Miyerkules, sinabi ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na seryoso ang naturang isyu dahil inaasahan sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan na pairalin ang batas at hindi magbigay ng pahayag na maaaring magpahiwatig ng pagkuha ng hustisya sa sariling paraan.
Ayon kay Adiong, kung may kaalaman ang Bise Presidente hinggil sa umano’y pagkakaroon ng isang bayarang mamamatay-tao, nararapat umano niya itong ipinaalam sa mga awtoridad sa halip na makipag-ugnayan dito.
Inihayag ito ng prosecution panel matapos iharap sa Senate impeachment court ang mga ebidensiya kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Bilang bahagi ng presentasyon ng mga ebidensiya, iniharap ng prosecution si National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung. Tumestigo si Calilung hinggil sa pagiging authentic ng online media briefing na isinagawa ni Vice President Duterte noong Nobyembre 23, 2024.
Ayon pa kay Adiong, layunin ng prosecution na patunayan hindi lamang ang pagiging tunay ng mga video kundi ipakita rin kung bakit itinuturing na usapin ng pambansang seguridad ang umano’y pagbabanta ng Ikalawang Pangulo.











