Nag-isyu ng subpoena ang House Committee on Justice kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin A. Matibag upang dumalo sa impeachment hearings ni Vice President Sara Duterte sa Abril 14 at magsumite ng mga rekord ng imbestigasyon ng NBI sa umano’y banta ng pagpatay laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ayon sa subpoena ad testificandum et duces tecum na may petsang Marso 31, 2026, inatasan si Matibag na magpakita sa hearing sa ika-10 ng umaga sa 2nd Floor ng People Center sa House of Representatives sa Quezon City at isumite ang certified true copies ng lahat ng dokumento at litrato na nakuha ng NBI kaugnay ng imbestigasyon.

Kasabay nito, sinubpo rin ang abogado ni Duterte na si Atty. Michael Poa upang magsumite ng dokumento mula sa Department of Education na naipasa sa Commission on Audit tungkol sa confidential funds.

Ang dalawang impeachment complaints laban kay Duterte ay nag-aakusa sa kanya ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential fund, pagbabanta sa Pangulo at pamilya nito, at hindi maipaliwanag na kayamanan. Natagpuan ng House Committee on Justice na sapat ang complaints sa porma, nilalaman, at basehan, at kasalukuyan nilang tinutukoy kung may probable cause para sa impeachment.

Advertisement
Advertisement