Iginiit ni House Prosecutor at Manila Representative Joel Chua na ang audio-visual presentation na nagtatampok sa 11 miyembro ng House prosecution panel at kumalat sa iba’t ibang social media platforms ay hindi ginamitan ng pondo ng gobyerno.
Ayon kay Chua, ang nasabing materyal ay pinondohan ng mga pribadong donor. Dagdag pa niya, ito ay bahagi ng boluntaryong suporta mula sa iba’t ibang indibidwal na nais tumulong sa proseso.
Ipinaliwanag din niya na marami umanong tao ang kusang nag-aalok ng tulong sa iba’t ibang paraan kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa gitna nito, nilinaw ni Chua na ang naturang mga inisyatiba ay hindi mula sa pondo ng bayan kundi resulta ng pribadong pagkilos at suporta.
Ayon pa sa kanya, layunin ng audio-visual presentation na mapalawak ang kaalaman at pag-unawa ng publiko hinggil sa takbo ng impeachment trial.








