NAGA CITY- Kumpiskado ang humigit-kumulang P3.4-M na halaga ng ipinagbabawal na gamot sa isang high-value individual dahil sa kinasang buy bust operation ng awtoridad sa Barangay Vinagre, Tigaon, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si alyas Domeng, 34-anyos at residente ng Ocampo, Camarines Sur.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mark Anthony Viray, Provincial Officer ng PDEA- Camarines Sur, sinabit nito na nakabili ang kanilang poseur buyer sa suspek ng isang 25 grams na shabu.
Sa kanilang operasyon, nakumpiska pa sa suspek ang mahigit kalahating kilo ng gramo ng shabu. Maliban pa dito, nakumpiska pa sa suspek ang dalawang calibre .45 na baril.
Sa kabuuan, nasa humigit-kumulang P3.4-M ang mga nakuspika na item.
Kaugnay nito ayon naman umano sa suspek, i-distribute sana ang mga shabu sa buong lalawigan kasama na ang lungsod ng Naga.
Ang nasabi naman na suspek ay matagal nang minamanmanan ng mga otoridad.
Sa katunayan, bago pa ito madakip ay naging mainit rin ito sa bayan ng Ocampo dahil sa kaniyang mga transaksyon kung kaya’t lumipat ito sa bayan ng Tigaon, kung saan ito nadakip.
Samantala, mula naman umano sa Metro Manila at NCR ang mga shabu na kanilang nakumpiska at nakikipag-usap ang suspek sa loob ng New Bilibid Prison kung saan ito ang nagiging tulay ng kanilang transaksyon.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.