NAGA CITY- Inamin ng isang professor sa New York na hindi inalintana ng mga mamamayan sa estado ang paghahanda para sa pananalasa ng Hurricane Ida.
Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Ronie Mataquel, isang math professor sa New York, sinabi nito na kampante kasi umano ang mga mamamayan sa lugar kahit umulan ng malakas dahil maganda naman kasi ang mga drainage system sa lugar.
Ngunit, hindi inaasahan ng mga residente roon na matinding raragasa ang tubig-baha.
Aniya, hindi na rin nagawa pang lumikas ng mga residente madaling araw nang pananalasa ng Hurricane Ida.
Kung kaya ayon kay Mataquel, ito ang tinitingnang dahilan kung kaya marami ang nasawi hindi lang sa New York gayundin sa New Jersey.
Samantala, kinumpirma naman ni Mataquel na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa New York City.
Humupa na rin ang tubig-baha sa lugar at sumikat na rin ang araw kahapon kaya ginawa naman itong pagkakataon ng mga mamamayan para linisin ang mga bahay na pinasok ng baha gayundin ang pag-alis sa mga nakabarang mga sasakyan sa kalsada.
Samantala, wala namang naiulat na nasawing Pilipino sa lugar ngunit marami sa kanilang bahay ang rinagasa rin ng baha.Top