NAGA CITY – Narekober ng tropa ng pamahalaan ang iba’t-ibang uri ng baril at pampasabog sa Barangay Napolidan, Lupi, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, Division Public Affairs Office Chief ng 9ID-Philippine Army, sinabi nito na nakatanggap ng report mula sa mga residente ng nasabing lugar ang mga tropa ng militar hinggil sa mga naiwan umanong mga baril ng mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa kanilang kuta.

Dagdag pa ni Belleza, narekober sa naturang lugar ang M16 rifle, dalawang caliber .22 rifles, magazines, molotov bomb, bandoliers, assorted ammunition, mga cellphone, battery, camouflage uniform ng Philippine Army, medical paraphernalia, terroristic propaganda materials at iba pang mga personal na kagamitan ng naturang NPA.

Dahil dito, naniniwala ang mga sundalo na hindi na sapat ang bilang ng mga miyembro ng nasabing rebeldeng grupo na magdadala ng mga nasabing baril kung kaya iniwan na lamang ang mga ito sa kanilang kuta.

Kung maaalala, una ng nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga miyembro ng NPA sa nasabing lugar, kung saan isa sa mga miyembro ng rebeldeng grupo ang binawian ng buhay kung saan narekober din ng mga otoridad sa lugar ang mga baril at pampasabog.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin umano ang kampanya at panawagan ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) sa mga miyembro ng NPA na sumuko na gaya na lamang ng ginawa ng nasa 111 na mga surenderees sa buong Bicol Region.