Nanindigan ang International Criminal Court (ICC) na nananatili itong isang independiyente at walang kinikilingang institusyon matapos itong tawaging “tuta” ni Vice President Sara Duterte nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Senador Antonio Trillanes IV.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga tagasuporta sa labas ng punong himpilan ng ICC sa The Hague, sinabi ni Duterte na, “Ang ICC ay lapdog ni Trillanes at ni Marcos.” Iginiit din niya na umano’y nakipagsabwatan ang dalawa sa international tribunal upang maaresto ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay ng imbestigasyon sa kampanya kontra ilegal na droga.

Bukod dito, inulit ng Bise Presidente ang kanyang paninindigan na labag umano sa Konstitusyon ang anumang imbestigasyon ng ICC sa Pilipinas.

Bilang tugon, sinabi ni ICC spokesperson Oriane Maillet na ang korte ay isang internasyonal na hudisyal na institusyon na nagsasagawa ng mandato nito nang may kalayaan, pagiging patas, at alinsunod sa Rome Statute. Nilinaw rin ng ICC na hindi na ito magbibigay ng partikular na reaksyon o personal na komento hinggil sa mga pahayag ng Bise Presidente.

Advertisement

Nauna nang itinanggi ng Malacañang ang mga paratang ni Duterte at inilarawan ang mga ito bilang “walang basehan” at “walang saysay.”

Samantala, pinabulaanan din ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang alegasyon ng Bise Presidente at iginiit na ang ICC ay hindi kontrolado o “tuta” ng sinuman.

Noong 2017, kabilang si Trillanes sa mga naghain ng communication sa ICC na humihiling ng imbestigasyon sa libu-libong umano’y pagpatay na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Advertisement