Tinalakay ng International Criminal Court (ICC)-Accrediated Lawyer ang mahahalagang legal na usapin kaugnay ng nakatakdang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga Kay Atty. Rameses Victorius G. Villagonzalo | ICC-accredited Lawyer, ipinaliwanag nito na kabilang sa mga pangunahing bahagi ng nakatakdang pagdinig sa ICC ang pormal na arraignment o pagbasa ng mga sakdal laban kay Duterte, kung saan hihingin sa dating pangulo ang kanyang plea o pahayag kung siya ay guilty o not guilty.

Ayon kay Villagonzalo, mahalaga ang prosesong ito dahil hindi maaaring simulan ang paglalahad ng mga ebidensiya at testimonya ng mga saksi hangga’t hindi naitatala ang plea ng akusado.

Advertisement

Inaasahan ding ihaharap ang opening statements ng prosecution, legal counsel ng mga biktima at defense team. Gayunman, nasa pagpapasya ng depensa kung agad itong maghahain ng pambungad na pahayag o ipagpapaliban muna ito hanggang sa paglalahad ng kanilang mga ebidensiya.

Isa rin sa mga posibleng maging usapin sa pagdinig ang pagbibigay ng proteksiyon sa pagkakakilanlan ng mga testigo. Kabilang dito ang paggamit ng mga alyas, paglalabo ng mukha at pagbabago ng boses upang matiyak ang kanilang kaligtasan at seguridad.

Samantala, binigyang-diin ni Villagonzalo ang kahalagahan ng masusing pagsusuri ng mga hukom sa kredibilidad ng mga testigo, bigat ng mga dokumento at iba pang ebidensiyang ihaharap ng magkabilang panig.

Nanawagan din ito sa publiko na hayaang umusad nang maayos ang proseso ng paglilitis, igalang ang magkabilang panig at iwasan ang mga hindi kinakailangang pagtatalo.

Binigyang-diin nito na mahalagang pairalin ang katarungan, pagiging patas at paggalang sa legal na proseso upang matiyak na mabibigyan ng pantay na pagkakataon ang bawat panig na maipahayag ang kanilang mga argumento at maiharap ang kani-kanilang ebidensiya.

Advertisement