Labis na ikinabahala ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ang patuloy na labanan sa Gitnang Silangan, partikular ang pinsalang idinudulot sa mga essential infrastructure at posibleng nuclear sites, ayon kay ICRC President Mirjana Spoljaric Egger.
Ayon kay Spoljaric Egger, ang pagtama sa mga critical infrastructure ay maituturing na isang uri ng giyera sa sibilyan, na maaaring magdulot ng mas malawak na humanitarian crisis. Mas nag-aalala ang ICRC kung tamaan ang mga nuclear sites ng Iran, dahil sa mas matinding pinsalang maaaring idulot nito.
Kasama rin sa pahayag ng ICRC ang panawagan para sa diplomatikong pag-uusap sa pagitan ng Iran at Israel upang maiwasan ang mas malawak na kaguluhan.
Magugunitang iniulat ni US President Donald Trump na nagkakaroon na ng pag-uusap ang mga kinatawan ng US at Iran matapos ang pagbibigay niya ng 48-oras na ultimatum para buksan ang Strait of Hormuz.








