NAGA CITY – Record breaking ang idinaos na malawakang Grand rally ng tandem nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan kasama ang buong senatorial slate nito sa lungsod ng Naga kagabi, Mayo 6, 2022.
Umabot kasi sa mahigit 306,000 na mga tagasuporta nito ang kabuuang bilang ng mga lumahok sa nasabing aktibidad.
Hinigitan ng nasabing bilang ang expectation ng lokal na gobyerno ng Naga na aabot lamang sa halos 300,000 na mga indibidwal ang inasahang lalahok dito.
Ang nasabing mga supporters ng Bise Presidente ay nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ng Camarines Sur at Maynila at gayundin sa iba pang malalayong lugar.
Mababatid na maaga nang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Naga ang kahabaan ng Magsaysay Avenue nitong Martes, Mayo 3 habang sinuspindi naman ang lahat ng pasok ng mga empleyado sa mismong araw ng aktibidad.
Nasa 745 naman ang deneploy na mga PNP Personnel katulong ang nasa 200 force multiplier at dagdag na 40 personnel na ipinadala mula sa Provincial Regional office 5.
Maliban kay Vice President Leni Robredo, kasama din nito ang ka-tandem na si Vice Presidential Aspirant Kiko Pangilinan gayundin ang senatorial slate nito.
Nakisaya naman sa naturang aktibidad si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon at ilang mga kilalang artista gaya na lamang nina Sam Concepcion, Jolina Magdangal, Nikki Valdez, Agot Isidro, Piolo Pascual, Megastar Sharon Cuneta at ang bandang Ben and Ben gayundin sina Ogie Diaz at Mama Loi na nagsilbing host sa idinaos na miting de avance.
Samantala, nakapagtala naman ang mga awtoridad ng ilang nakawan ng cellphone, pagkahimatay ng ilan sa mga dumalo maging ang pagkawala ng ilang mga bata.
Ngunit ang nasabing mga insidente ay agad namang naresolba dahil na rin sa pagtutulungan at mabilis na aksyon ng mga awtoridad sa pamamagitan ng mga tauhan ng Naga City Police Office, Naga City Incident Management Team (IMT), Naga City EOD and K9 Unit maging ang Public Safety Office.
Sa kabuuan, naging mapayapa naman at napanatili ang seguridad sa naturang aktibidad.