Nagkasundo ang 32 miyembrong bansa ng International Energy Agency (IEA) na magpalabas ng 400 milyong bariles ng langis mula sa kanilang reserba upang matugunan ang lumalalang krisis sa suplay ng langis dulot ng tensyon at labanan sa Gitnang Silangan.

Ayon kay IEA Executive Director Fatih Birol, napagkasunduan ng mga miyembro ng ahensiya ang hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Ginawa ang desisyon matapos maapektuhan ang daloy ng suplay ng langis dahil sa lumalalang sigalot sa Gitnang Silangan.

Naranasan ng maraming bansa ang pagtaas ng presyo ng langis matapos atakihin ng Estados Unidos at Israel ang Iran, na nagresulta sa pagsasara ng ilang mahahalagang rutang dinadaanan ng mga barkong may kargang langis.

Advertisement

Iniulat din na umaatake ang Iran sa ilang barkong may dalang langis na dumaraan sa mga karagatan sa rehiyon, na lalo pang nagpapalala sa pangamba sa pandaigdigang suplay ng enerhiya.

Kabilang sa mga bansang bumubuo sa IEA ang Estados Unidos, United Kingdom, Japan, Canada, Australia, Germany, France, Italy, Spain, Netherlands, Sweden, South Korea, at iba pang bansa mula Europa, Asya, at Amerika.

Advertisement