NAGA CITY- Tinatayang nasa anim pang mga kabahayan ang naanod sa nangyaring malawakang pagbaha sa halos siyam na barangay sa Lucena City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Melchor Avenilla, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO)-Quezon, sinabi nito na agad namang nagsagawa ng preemptive evacuation sa lungsod.
Dagdag pa nito, wala naman na aniyang iba pang bayan ang labis na naapektuhan ng naturang pagbaha at wala naman aniyang binawian ng buhay sa insidente.
Ayon pa dito, agad namang nagpadala ng tulong ang lokal na pamahalaan maging ang iba pang mga ahensiya sa pamilyang nawalan ng tirahan kung saan agad namang napaayos ang kanilang mga bahay.
Samantala, ilan din sa mga residente sa lugar ang pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kakilala at kamag-anak habang inaayos pa ang kanilang matitirhan.
Kung maaalala una nang naiulat ang walong mga kabahayan na nadala ng naturang pagbaha sa lungsod.
Sa kabila nito, sinabi rin ni Avenilla na posibleng nabasa ang mga printed modules na nasa bahay ng mga mag-aaral ngunit nilinaw naman nito na wala silang natatanggap na ano mang impormasyon hinggil sa mga modules sa mga opisina.
Kaugnay nito, naniniwala naman si Avenilla na agad matutugunan ng DepEd ang mga nabasang module.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang assessment hinggil sa kabuuang pinsala dahil sa naturang insidente.