NAGA CITY – Sugatan ang ilan sa mga delegado ng Department of Education (DepEd) SOCCSKSARGEN sa Palarong Pambansa 2023 matapos mahagip ang sinasakyan nilang van ng kasalubong na truck sa Barangay Pawili, Pili, Camarines Sur.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Alejandro Padron II, imbestigador ng Pili Municipal Police Station, sinabi nito na habang binabaybay ng van ang kalsada patungo sa Albay nang bigla itong mag-overtake at pumasok sa kabilang linya ng kalsada na naging dahilan para maabot ng kasalubong na truck.
Maliban dito, nahagip din ng truck ang isa pang motorsiklo na minamaneho naman ng isang pulis kung saan nahulog pa ito sa gutter.
Aniya, agad din namang naidala sa pagamutan ang mga sugatan sa nasabing aksidente para agad na mabigyan ng paunang lunas.
Samantala, dagdag pa ni Padron, hinihintay pa rin nila ang magiging hakbang ng mga biktima kung ang mga ito ay magsasampa ng kaukulang kaso laban sa driver.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng naturang insidente.