NAGA CITY – Nagmistulang dagat ang ilang bayan sa lalawigan ng Camarines Sur at lungsod ng Naga matapos ang walang humpay na pagbuhos ng malakas na ulan dahil sa bagyong Amang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edwardo Destura, direktor ng 2nd Division 907 ng PCG Auxilliary Naga, sinabi nito na nagpapatuloy ang isinasagawa nilang monitoring sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod ng Naga lalong-lalo na sa bahagi ng Concepcion Pequena, Triangulo at Calauag na una nang nalubog sa baha simula pa lamang ng lumakas ang buhos ng ulan. Kung saan matapos ang ilang oras na pag-uulan may naitalang mga evacuees sa mga nasabing lugar.
Nagpapatuloy naman ang pagbabantay ng PCG Auxilliary Naga sa pagtaas ng water level sa Bicol River kung saan naabot nito ang critical level at ikinakabahala ng opisyal na kung hindi pa tumigil ang malakas na pagbuhos ng ulan posibleng mas tumaas pa ang lebel nito.
Dahil rin sa pananalasa ng Bagyong Amang naitala ang pag-apaw ng tubig sa bayan ng Bombon partikular na sa Barangay San Roque kung saan umabot na sa ilang kabahayan ang tubig.
Nagkaroon din ng pagtaas ng lebel ng tubig sa bayan ng Pasacao, Magarao partikular na rin sa Brgy. Sta. Lucia, San Isidro, San Juan at Tabog. Habang binaha rin ang bayan ng Calabanga, Camarines Sur.
Kaugnay nito, sa mga pangunahing kalsada, mga malalaki at matataas na sasakyan lamang ang nakakadaan.
Matatandaan, una na ring nakapagtala ang Municipal Disaster Risk Reduction Office ng Del Gallego, Camarines Sur ng mga pasahero at sasakyang stranded sa mga daan.
May naitala ring pagguho ng lupa sa Inoyonan-Itangon Road Portion sa bahagi ng Bula, Camarines Sur.
Samantala, sa bahagi naman ng Sangay-Tiwi Road na karaniwang binabantayan tuwing may sama ng panahon nananatili naman itong passabale sa lahat ng uri ng sasakyan ngunit nag-abiso ang mga otoridad na iwasan munang dumaan sa nasabing kalsada dahil sa posibleng paglambot ng lupa dahil sa walang tigil na pag-ulan na posibleng maging dahilan ng landslide.
Sa ngayon, nananatili pa ring nakaalerto ang 2nd Division 907 ng PCG Auxilliary Naga sa tulong ng MDRRM Offices, BFP, PNP at ibang pang ahensiya sa lalawigan.