NAGA CITY – Nalubog sa baha ang ilang lugar sa lalawigan ng Camarines Sur at lungsod ng Naga matapos ang ilang oras lamang na malakas na pag-uulan kahapon, Hunyo 30, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Marilyn Sunguad- Residente ng Brgy. Capucnasan, Milaor, Camarines Sur, umabot sa tuhod ang lebel ng tubig baha sa nasabing barangay.
Ayon kay Sunguad, sa tuwing bumubuhos ang malakas na ulan sa kanilang lugar, inaasahan nila ang pagbaha lalo pa’t lagi na nilang nararanasan ito kahit sa loob ng 24 oras na patuloy na pag-ulan.
Maging ang tulay na tinatawid patungo sa kanilang baryo ay minsan nahihirapang dumaan ang maliliit na sasakyan kapag tumaas ang baha sa lugar.
Samantala, unang naiulat ang pagbaha sa lungsod ng Iriga kung saan abot baywang ang tubig-baha.
19 classrooms rin sa Julian B. Meliton Elementary School, at sa iba pang barangay sa lungsod ng Naga ang lubog kaagad sa baha sa loob lamang ng ilang oras na pag-uulan.
Ganito rin ang naranasan sa isang paaralan sa bayan ng Tigaon, Camarines Sur.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si dating Naga City Mayor Nelson Legacion na ngayon ay Congressman na ng 3rd District sa Camarines Sur na mag-ingat ang mga residente na nasa mababang lugar dahil ang nangyari umanong pagbaha sa Rinconada Area ay posibleng bumaba patungo sa lungsod ng Naga kung magpapatuloy pa ang malakas na pag-ulan.