NAGA CITY- Binunyag ng isang konsehal sa lungsod ng Naga na may ilang mga menor de edad ang ginagamit sa operasyon ng ilegal na droga.
Sa naging pagharap sa mga kawani ng media ni Naga City Councilor Omar Buenafe, sinabinito na hindi na umano bago ang ganitong senaryo lalo na’t ang mga menor de edad ay hindi masyadong pinapansin o pinagdududahan.
Gayundin, ang mga minor ay hindi pwedeng ikulong kung kaya may mga ilang grupo na ginagamit ang mga ito sa ilegal na transaksyon.
Dahil dito, kailangang talaga aniay ang mahigit na implementasyon ng curfew ordinance upang masiguro na walang mga menor de edad ang nasa kalsada tuwing gabi o sa mga alanganin na oras.
Maliban pa dito, hinikayat rin ng opisyal ang mga magulang na palaging i-check ang kanilang mga anak kung sino ang kanilang mga kasama at kung ano ang mga aktibidad na ginagawa ng mga ito upang maiwasan na masangkot sa masamang gawain.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin umano ang mga kapulisan sa Naga City Social Welfare and Development Office, upang matugunan ang problema at maligtas ang mga menor de edad sa ganitong sitwasyon.
Pinaalalahanan na lamang ng opisyal ang mga kabataan na huwag sayangin ang panahon sa masasamang gawain at magsumikap sa buhay para sa ikakabuti ng kanilang kinabukasan.