NAGA CITY – Umabot sa 500,000 katao ang dumalo at nakiisa sa isinagawang traslacion procession kahapon, dito sa lungsod ng Naga kaugnay ng magiging pagdiriwang ng Penafrancia Fiesta.
Ang traslacion procession ang pagdadala ng imahen ni Nuestra Senora de Penafrancia at El Divino Rostro sa Metropolitan Cathedral mula naman sa Penafrancia Shrine. Kung saan doon ito mananatili sa loob ng 9 na araw, ito rin ang itinuturing na pagsisimula ng pagsasagawa ng mas malalaki pang events na may kaugnayan sa nasabing ka-fiestahan.
Inamin naman ni PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office na hindi na nasunod ang ilan sa mga panuntunan na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Naga dahil sa pagdagsa ng mga deboto na sumama sa nasabing prusisyon.
Aniya, mayroon kaya umanong kinalangan nang alisin ang kanilang mga facemask upang makahinga dahil sa sobrang dikitan at siksikan ng mga tao.
Inabot naman ng halos tatlong oras ang nasabing prusisyon bago nito tuluyang narating ang Metropolitan Cathedral kung saan pansamantalang mananatili ang imahen ni Inang Penafrancia at El Divino Rostro.
Samantala, matapos ang nasabing aktibidad agad naman na kumilos ang mga street sweepers na agad namang naglinis sa bahagi ng Plaza Rizal na isa sa mga tinambayan ng mga tao at dinaanan rin ng prusisyon upang agad na itong malinis.
Sa ngayon, patuloy naman ang pagpapaalala ng opisyal sa lahat ng mga dadalo pa at makikiisa sa mga susunod pang mga activities na panatilihin ang pagsunod sa mga panuntunan lalo na ang may kaugnayan sa pag-iwas sa posibleng pagkalat ng COVID-19 virus lalo na at inaasahan ang muling pagdagsa ng mga tao pagdating naman ng fluvial procession o ang pagbalik na ng imahen ni Inang Penafrancia at El Divino Rostro sa tahanan nito sa Penafrancia Shrine sa darating na Setyembre 17, 2022.