NAGA CITY- Aminado ngayon ang ilang mga Pinoy sa Montana, USA na nakakaranas na sila ng diskriminasyon sa gitna ng COVID-19 crisis.
Sa report ni Bombo International Correspondent Samantha Niña Mendoza mula sa Montana, USA, sinabi nitong kasabay ng krisis na nararamdaman sa lugar dahil sa COVID-19 pandemic, tila mas naging agresibo ang ilang mga Amerikano sa mga Asians.
Ayon kay Mendoza, ang tingin sa kanila ng ilang mga residente sa lugar ay tila mga carrier ng virus.
Kwento ni Mendoza, siya mismo halos dalawang beses nang nakaranas ng diskriminasyon kung saan una aniya sa loob ng Supermarket kung saan pinapalayo sila ng isang Americano.
Maliban dito, habang naglalakad aniya sila, bigla na lamang silang sinigawan at tinawag na ‘corona’ ng isang Americano.
Sa ganitong sitwasyon, aminado si Mendoza na masakit para sa kanila ang nangyayari ngunit wala naman aniya silang magagawa kundi ang magpakatatag na lamang.
Sa kabila nito, mas doble aniya ang ginagawang pag-iingat ngayon ng mga Pinoy sa lugar para makaiwas sa sakit.
Sa ngayon, maroon na aniyang kabuuang 437 confirmed cases at 12 deaths sa naturang Estado.