NAGA CITY – Isinusulong ngayon ng isang konsehal sa Naga City ang ilang ordinansa na makakatulong upang mapababa ang kaso ng paglabag sa karapatan ng kababaihan at bata.
Sa kanyang talumpati, nagpahayag ng kalungkutan si Naga City Councilor Gayle Abonal Gomez dahil sa naitalang 36 na kaso ng karahasan laban sa kababaihan at kanilang mga anak; 76 kaso ng panggagahasa; at 78 kaso ng anti child trafficking sa Naga City. Hindi pa dito ang data mula sa iba pang korte ng lungsod.
Kung saan ang tinutukoy na dahilan nito ay ang kahirapan, kawalan ng magandang komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at kanilang mga anak; at ang presensya ng iba pang pamilya ng kanilang mga magulang na madalas ay ang umaabuso sa mga biktima.
Dahil dito, iminungkahi ngayon ni Gomez ang pag-amyenda sa Ordinance No. 2014-029 o ang pagpapalakas ng VAWC desk sa barangay.
Iminungkahi nitong bumuo ng plantilia position ng VAWC desk officers sa barangay para pangasiwaan ang mga kaso ng pang-aabuso sa kababaihan at bata gayundin ang gender based discrimination sa barangay level.
Bukod dito, iminungkahi din ng opisyal ang pagpapalakas ng secretariat ng City Council for Women at ang pagtatayo ng Naga City Gender And Development Office na mag-uutos ng mga plano, programa at aktibidad na tumutugon sa kasarian. Sa ganitong paraan, mapapalakas ang paglaban sa mga krimen laban sa kababaihan at mga bata.