NAGA CITY- Nagsimula nang ilikas ang mga residente mula sa iba’t ibang high risk areas sa Camarines Sur dahil sa bagyong Tisoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Marjun San Felipe, Municipal Administrator ng bayan ng Sagnay, sinabi nitong ilang pamilya na ang nananatili sa sports complex ng munisipyo na mula sa Brgy. Patitinan na kinokonsidera bilang landslide prone area.
Nguanit ayon kay San Felipe, marami pa ring natitirang residente sa nasabing barangay na ayaw mag-evacuate.
Aniya kung hindi talaga sumunod ang mga residente, agad na ipapatupad ang force evacuation upang matiyak ang zero casualty sa lugar.
Dagdag pa nito, nakahanda na rin ang mga rescue trucks ng Philippine Army para sa mga evacuees na nangangailangan ng tulong.
Maliban sa Sagnay, sabay sabay na ngayong nagpatupad ng mandatory preemptive evacuation at force evacuation sa iba’t ibang bayan sa CamSur at lungsod ng Naga.
Una nang sinabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na natuto na sila sa mga pagkukulang noong mga nakaraang kalamidad kung kaya wala pa man ang bagyo ay nakalatag na ang lahat ng security at disaster response team sa mga maaapektuhang lugar.