NAGA CITY – Umapaw ang ilang mga spillway sa lalawigan ng Camarines Sur dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Ayon kay Noli Pielago, MDRRMO Sagnay Officer, na sa kanilang bayan, halos lahat ng spillway ay umapaw dulot na rin ng walang tigil na pag-ulan.
Kaugnay nito, sinuspende kahapon ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan, maging ang trabaho sa mga paaralan, sinuspinde rin.
Sa ipinalabas na advisory ni Gobernador Luigi Villafuerte, minabuti nang ipinatupad ang no classes, matapos na isailalim sa Yellow Heavy Rainfall Warning ang naturang probinsya dahil sa pag-uulang dala ng shearline.
Ayon naman kay Christian Aris Guevarra, Head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa Caramoan, na unang nag suspinde ng klase at pina-uwi ang mga estudyanteng nakapasok pa sa mga paaralan.
Nag-overflow rin kasi ang tubig at mga spillway sa ilang barangay sa kanilang bayan.
Maliban pa dito, hindi rin madadaanan ng anumang uri ng sasakyan ang spillway na nagkokonekta sa Brgy. San Jose at Sta. Elena Baras, Nabua, Camarines Sur dahil sa pag-apaw ng ilog bunsod ng mga pag-ulan dala ng Shearline.
Sa ngayon, nagpaalala na lamang ang mga ito sa publiko na gawan ang lahat ng paraan upang magin ligtas ang bawat isa lalo na sa panahon ng sakuna.