NAGA CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad matapos na matangay ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang nasa P103,000.00 na halaga ng mga gadgets sa bahay ng isang college teacher sa Zone 3 Bgy. Bell, Magarao, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Monica San Juan, hepe ng Magarao Municipal Police Station, sinabi nito na nagising na lamang umano ang mga biktima at napansin na bukas na ang pinto ng kanilang kusina at may mga gadgets na nawawala.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad napag-alaman na natangay ng mga suspek ang dalawang laptop, tatlong unit ng cellphone at wallet ng biktima mayroong laman na P200.00, ATM card at mga I.Ds.
Aniya, sinubukan na rin umano ng mga awtoridad na tukuyin ang kinaroroonan ng mga nasabing gadgets sa pamamagitan ng paggamit ng GPS.
Samantala, ayon naman sa isa pang testigo bandang alas-11:30 ng gabi nang may makita itong dalawang tao na nagmamadaling lumabas sa nasabing bahay ngunit inakala lamang nito na residente ng nasabing bahay ang mga ito.
Dagdag pa ni San Juan, na ito na umano ang ikalawang insidente ng pagnanakaw sa nasabing bayan.
Sa ngayon, patuloy naman ang isinasagawang paghahanap at pagiimbestiga ng mga awtoridad sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng mga nasabing suspek.