NAGA CITY – Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP-Ocampo sa kaso ng dalagitang natagpuang wala ng buhay sa isang creek sa nasabing bayan.
Maaalala, natagpuan na wala nang buhay ang dalagitang si Danica sa creek na sakop ng nasabing bayan, kung saan una nang lumabas sa resulta ng autopsy na mayroong natagpuang lacerations sa maselang bahagi ng katawan ng biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Reimon Joy N. Paaño, imbestigador ng Ocampo Municipal Police Station, sinabi nito na base sa resulta ng pag-aaral sa katawan ng biktima mayroon silang natagpuan na foreign DNA sa katawan nito.
Kaugnay nito, nagsagawa na ng DNA swabbing ang Forensic Unit ng Camarines Sur sa mga persons of interest, ito’y upang maikumpara sa DNA na natagpuan sa katawan ng biktima at matapos ito isa-subject naman ang mga persons of interest sa isang polygraph test.
Dagdag pa ni Paaño, ini-iskedyul na ito sa ngayon at may mga papeles pa na kailangang isumite sa kanilang forensic unit.
Ang nakuha namang footage ng grupo na may kinalaban sa kaso ang isusumite naman nila sa cybercrime unit ng PNP-Police Regional Office-5 for enhancement at maghihintay pa ng resulta nito upang magkaroon ng conclusion kung ano ba talaga ang nangyari.
Samantala, mayroon naman umano silang sinusunod na lead hinggil sa kaso at posibleng may kagagawan ng krimen, kung saan pinaniniwalaang hindi lamang isa ang suspek dito.
Binigyang diin naman ng opisyal na hindi sangkot ang anak ng isang pulitiko sa nasabing insidente.
Sa ngayon, wala pa umanong lumulutang na witness na makakapagbigay ng impormasyon hinggil sa nasabing pangyayari.