NAGA CITY- Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection-Naga hinggil sa nangyaring sunog sa isang warehouse sa Mayon Avenue Corner M. Castro sa lungsod ng Naga.
Maaalala, bandang alas-11:50 ng umaga kahapon, Oktubre 24, 2023 ng balutin ng makapal at maitim na usok ang kahabaan ng Mayon Avenue sa nasabing lungsod dahil sa pagsiklab ng apoy sa nasabing warehouse.
Kaugnay nito, halos naging zero visibility naman ang kahabaan ng daan na naging dahilan kung bakit pansalamantalang hindi ito nadaanan ng mga motorista.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO1 Arwin Yap, BFP-Naga Investigator on Case, sinabi nito na nahirapan silang makapasok sa loob ng nasabing warehouse dahil punong-puno aniya ang mga ito ng mga furnitures.
Ito’y dahil ayon umano sa nag-ookupa ng building ay kakadeliver pa lamang ng mga furniture at mga kagamitan na nasa loob nito gaya na lamang ng housewares, officewares at iba pang mga paninda na pagmamay-ari naman ng isang kilalang negosyante sa Lungsod.
Inabot naman ng nasa halos walong oras bago tuluyang naideklarang fired out ang nasabing sunog, ngunit inabot pa umano ng hanggang alas-11 ng gabi ang mga tauhan ng BFP-Naga sa pag-aasikaso dito at ilang beses rin silang nagpabalik-balik dahil sa muling pag-apoy sa lugar dahil na rin sa karamihan ng gamit ay mayroon umanong hindi na napenetrate ng tubig na nagiging dahilan ng muling pagsiklab ng apoy.
Ayon naman sa naging imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Naga, maaring ang pinagmulan umano ng nasabing sunog ay ang sytro foam na nakaimbak sa bodega na madaling kapitan ng apoy ngunit hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa umano nila kung saan ba talaga posibleng nagmula ang apoy.
Nagdulot naman ng takot sa mga residentes na malapit sa nasunog na building at maging sa mga motorista na dumaraan sa lugar ang pangyayari lalo pat hanggang kagabi ay mayroong paring usok na nagmumula naman sa nasunog na warehouse.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin malaman ng mga awtoridad ang posibleng kabuoang pinsala na iniwan ng insidente ngunit posible umanong umabot ito sa mahigit isang milyon dahil sa napakaraming kagamitan na nasunog.
Sa ngayon, ipinagpapasalamat na lamang ng Bureau of Fire Protection (BFP) Naga na walang nadamay ng sinuman sa nasabing insidente.