NAGA CITY- Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang bangkay ng isang babae na natagpuan sa isang apartelle sa Naga City nitong Biyernes.
Sa nagin pagharap sa mga kagawad ng media ni PLTCOL. Chester Pomar, NCPO spokesperson, sinabi nito na naging mahirap ang proseso ng imbestigasyon dahil sa mga CCTV’s na mahirap din ma-locate ngunit patuloy pa rin umano nilang iimbestigahan ang nasabing krimen at umaasa na agad makikila ang suspek.
Dagdag pa nito na isa sa mga naging problema ay ang pagtatago ng pagkakakilanlan ng mga sangkot lalo na ang biktima.
Ayon pa sa opisyal, walang personal na impormasyon at motibo sa pagpatay sa babae ngunit malaki ang posibilidad na may koneksyon ito sa transaksyon ng mga taong sangkot sa loob ng apartelle.
Aniya, tinututukan na nila ngayon ang mga nagsundo sa biktima bago nalaman na patay na ang biktima.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, regular customer ng apartelle ang biktima at posibleng ilang tao ang nakatagpo nito.
Samantala, ang hitsura ng katawan ay nagpapahiwatig na ang isang matigas na bagay ang maaaring ipinukpok dito, at blunt trauma ang maaaring naranasan ng biktima.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang iba pang mga apartelle sa Naga City na tiyaking may mga CCTV sila na eye level rin ang nakukunan.
Bilang karagdagan, ang mga naturang regular na kliyente, ay dapat mapanatili upang magkaroon ng contact.
Kaugnay nito, humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng biktima.