Imbestigasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng naaagnas ng bangkay na natagpuan sa Iriga City pinagpapatuloy ng mga otoridad
NAGA CITY – Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng naaagnas ng katawan na natagpuan na palutang-lutang sa ilog sa Zone 1, Brgy. Sta Cruz Sur, Iriga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Bella Vergara Cereno, tagapagsalita ng Iriga City PNP, napag-alaman na mga miyembro ng Indigenous People (IP’s) ang nakakita sa biktima.
Dagdag pa ng opisyal na dahil nasa state of decomposition na ang bangkay nito hindi na ito makilala kahit ang kasarian nito ay hindi na rin madetermina.
Ayon pa kay Cereno, ang tanging maaaring maging pagkakakilanlan ng biktima ay nakasuot ito ng orange na sando, short pants at meron din itong medical catheter.
Aniya, hindi pa nila masabi kung galing ba sa ospital ang nasabing biktima o kung paano ito nakarating sa nasabing lugar.
Samantala, nagsagawa na rin umano sila ng imbestigasyon sa mga kalapit barangay at bayan, ngunit sa kasamaang palad ay wala pa rin umanong nag claim sa bangkay ng biktima.
Sa ngayon, ipinalibing na lamang ng mga otoridad ang nasabing bangkay sa San Francisco Cemetery habang iniimbestigahan pa rin an nasabing insidente.