Tatalakayin sa March 25 Committee Hearing ang Impeachment Complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Benjamin Guillermo B. Magadia, Law Professor, Author, sinabi nito ang impeachment ay isang political question na nakasaad sa Konstitusyon at hindi simpleng kasong sibil o kriminal.

Ipinaliwanag niya na sa proseso, unang tinitingnan ng Committee on Justice ang form and substance ng reklamo. Kung tama ang dokumento at may sapat na laman, maaari itong umusad patungo sa plenaryo. Paliwanag nito na kung mali ang form, automatic madidismiss ang kaso. Dagdag pa nito na sa substance, titignan kung may sustansya o haka-haka lang.

Binanggit din ng abogado na ang reklamo ay nakasentro sa paggamit ng confidential fund at mga alegasyon ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution. Gayunpaman, iginiit niyang mahirap magbigay ng konklusyon hangga’t hindi nakikita ang mga dokumento.

Advertisement

Tinalakay rin ang posibilidad ng pagboycott ng kampo ni VP Duterte sa March 25 hearing dahil umano sa kawalan ng karapatang mag-cross-examine. Nilinaw ni Magadia na wala pang trial sa yugtong ito, kaya’t hindi pa saklaw ang cross-examination. Dagdag pa ni Magadia na ito ay presumption of innocence palang naman. Hindi kailangan pilitin ang akusado na sumagot.

Kung sakaling umusad ang reklamo, kailangan ng one-third vote ng Kongreso bago ito maakyat sa Senado. Doon, masusubok kung nananatili pa ang tinatawag na Duterte power. Ipinaalala ni Magadia na kung magbitiw sa puwesto si VP Duterte, mawawalan ng saysay ang impeachment, maliban na lang kung nais ng mga nagrereklamo na magkaroon ng hatol na magdudulot ng habambuhay na diskwalipikasyon sa pagtakbo sa anumang posisyon.

Sa huli, nanawagan si Atty. Magadia na huwag gamitan ng emosyon ang usapin, kundi ibatay sa ebidensya: Dapat mabigat ang ebidensya laban sa inaakusan.

Advertisement