NAGA CITY- Napuno ng emosyon ang libing kahapon ng tatlong bata na pinatay ng sariling ina sa Barangay Pinagwarasan, Basud, Camarines Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kap. Victor Samonte, sinabi nitong bagama’t ipinagbabawal ang mass gathering sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), ngunit hindi aniya napigilan ang mga taong hindi dumalo sa libing ng mga bata kung saan tinatayang humigit kumulang sa 100 katao ang pumunta.

Ayon kay Samonte, hindi na rin nagawa pang makadalo sa libing ang ina ng mga bata na si Joan Majistrado dahil noong oras na nakatakda na sana itong ilabas sa ospital, nakaranas aniya ito ng pananakit sa tiyan kung kaya ibinalik sa pagamutan at ipinasailalim sa panibagong operasyon.

Naniniwala naman ang opisyal na hindi na papayagang makapunta sa sementeryo ang nasabing suspek sakaling tuluyan na itong nakalabas kasabay ng libing ng mga bata.

Sa ngayon, tuloy parin aniya ang kaso sa nasabing ina habang hinihintay na lamang ang tuluyang paglabas nito sa ospital at nakatakdang ikustodiya sa Basud PNP.