NAGA CITY-Naging pagsubok ang init ng panahon para sa mga atleta na sumabak sa Modified Palarong Bicol 2023.
Mababatid kasi na mayroong mga manlalaro na nawalan ng malay sa gitna nang torneo dahil sa mataas na temperatura pero kaagad din na nalapatan ng paunang lunas dahil mayroong naka stand by na mga medical workers na handang magbigay ng asistensiya sa lahat.
Sa kabila nito sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Deped Regional Director, Dr. Gilbert Sadsad, sinabi nito na sa kabuuan naging maayos at maganda naman ang isinagawang modified palarong bicol 2023 ngayong taon sa pakikipagtulungan ng lahat ng mga delegado mula sa iba’t ibang lalawigan sa Bicol Region at maging ng lahat ng mga lokal na pamahalaan na buo ang suporta sa nasabing torneo.
Aniya, naging economical pagdating sa expenses ang nasabing event at naiwasan rin na maging spreader ng Covid-19 virus dahil mayroong mga itinalagang venue para sa iba’t ibang sports events.
Samantala, Itinanghal na overall champion sa katatapos pa lamang na Modified Palarong Bicol 2023 ang mga delegado mula sa lungsod ng Naga.
Ang nasabing torneo ay nilahukan ng mga atleta mula sa Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Masbate, Sorsogon, Iriga City, Legazpi City, Ligao City, Masbate City, Naga City, Sorsogon City at Tobaco City na mayroong kabuuang 2,000 delegates.
Nakasungkit ng kabuuang 76 gold, 58 silver, at 59 bronze ang nasabing mga manlalaro upang maitanghal na kampeon ng nasabing sports events.
Pumangalawa naman sa overall ranking ang mga delagado mula sa Camarines Sur na mayroong 56 gold, 63 silver at 68 Bronze.
Sinundan din ito ng mga delagado mula sa Camarines Norte na nakakuha ng kabuuang 46 gold, 32 silver at 62 bronze habang ang mga manlalaro mula naman sa Ligao City na nasa pang-apat na pwesto ang mayroong 43 gold, 16 silver at 20 bronze.
Nasungkit naman ng mga delagado mula sa Sorsogon ang panglimang pwesto na mayroong 38 gold, 18 silver at 16 bronze.
Matapos ang nasabing palarong bicol 2023 ang mga student-athletes na nakakuha ng gold o first place ang nakatakdang sumabak sa elimination round upang malaman kung sino ang magiging pambato ng Bicol Region na lalaban para sa isasagawang Palarong Pambansa 2023.
Kaugnay niyan, nakiusap na si Sadsad sa lahat ng mga principal, coaches ng mga manlalaro na ipagpatuloy ang kanilang training upang maging handa ang mga ito sa isasagawang elimination para naman sa Palarong Pambansa.
Sa pangkalahatan naging makulay, maganda at matagumpay ang paligsahan ng mga atletang handang ibandera ang kanilang galing at nirerepresentang lugar.
Mababatid na nagsimula ang palaro noong Abril 24 at nagtapos naman ngayong araw April 28, 2023.