NAGA CITY- Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang inspeksyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Vinzons, Camarines Norte sa mga structures at properties kaugnay ng magnitude 5.3 na lindol kaninang alas-5:57 ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Fely Bardon, LDRRMO 1 ng nasabing ahensiya, sinabi nito na may mga naitalang minor cracks sa ilang mga paaralan gaya na lamang sa Banocboc, Elementary School, Eugenia M. Quintela Memorial High School at G. Obusan Elementary School gayundin sa Covered court ng Brgy. Napilihan sa nasabing bayan.
Kaugnay din nito, agad namang nagpatupad si Governor Ricarte Padilla ng class suspension sa lahat ng lebel gayundin ang work suspension, mapa-pribado man o pampubliko sa buong lalawigan ng Camarines Norte.
Samantala, tiniyak naman ni Bardon na walang naitalang major damages at injuries matapos ang naturang lindol.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang monitoring gayundin ang information dissemination kaugnay ng mga precautionary measure sa mga naitatalang pagyanig.