Kinumpirma ng Pangulo ng Iran na si Masoud Pezeshkian ang pagkamatay ng intelligence minister na si Esmail Khatib matapos umano itong mapatay sa air strike ng Israel sa Tehran.

Ayon sa pahayag ng Israel, isinagawa ang air strike bilang bahagi ng kanilang operasyon laban sa matataas na opisyal ng Iran. Kinumpirma rin ni Masoud Pezeshkian ang insidente at tinawag itong isang “duwag na pagpaslang” na nagdulot ng matinding pagdadalamhati sa bansa.

Nauna nang inanunsyo ng Israel ang pagkamatay ng iba pang matataas na opisyal ng Iran, kabilang sina Ali Larijani at Gholamreza Soleimani, sa magkakahiwalay na pag-atake. Bahagi ito ng mas malawak na operasyon ng Israel at Estados Unidos upang pahinain ang liderato ng Iran sa gitna ng umiiral na digmaan.

Sinabi ni Israeli Defense Minister Israel Katz na awtorisado silang targetin ang sinumang mataas na opisyal ng Iran basta’t kumpleto ang intelligence at operational planning. Ayon naman sa Israel Defense Forces (IDF), may malaking papel umano si Khatib sa pagpapatupad ng mga crackdown laban sa mga nagpoprotesta sa Iran.

Advertisement

Si Khatib ay itinalaga noong 2021 at naging bahagi ng Ministry of Intelligence ng Iran, kung saan siya ay nasangkot din sa mga isyung may kinalaman sa cyber operations laban sa Estados Unidos at mga kaalyado nito.

Sa kabuuan, mahigit 1,300 katao na ang nasawi sa patuloy na air strikes ng Israel at US sa Iran, ayon sa pamahalaan ng Iran, kabilang ang daan-daang sibilyan. Samantala, patuloy din ang ganting-atake ng Iran sa iba’t ibang bansa sa Gitnang Silangan.

Lalong tumitindi ang tensyon sa rehiyon, na nagdudulot ng epekto sa pandaigdigang ekonomiya, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis kasunod ng pagsasara ng Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta para sa suplay ng enerhiya sa buong mundo.

Advertisement