NAGA CITY – Binigyang-diin ng isang propesor sa lungsod ng Naga ang pagkakaroon ng Internal Sovereignty ng bansa.
Ito ay kaugnay ng tila panghihimasok ng International Criminal Court hinggil sa War on Drugs ng dating Duterte Administration.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kenjie Jimenea, Dean ng College of Arts and Sciences sa University of Nueva Caceres, sinabi nito na sa nasabing Internal Sovereignty, hindi subject sa kontrol ng ibang international entity ang internal affairs ng Pilipinas.
Aniya, kung patuloy na igigiit ng ICC ang kagustuhan na maimbestigahan ang umano’y crime against humanity sa ilalim ng nasabing administrasyon na walang kooperasyon ng pamahalaan ng bansa, mawawalan lamang ito ng saysay sapagkat hindi makukumpleto ang proseso nito.
Mababatid din na iginigiit ng ilang mga senador na matagal ng kumalas ang Pilipinas sa ICC kung kaya wala na dapat umano itong karapatan sa bansa.
Ngunit paliwanag din ni Jimenea na kinakailangan pa rin ditong sumagot ang pamahalaan dahil naisampa na ang kaso bago pa man kumalas ang bansa sa nasabing organisasyon.
Kung kaya kaugnay nito, agad ding nagpulong sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Solicitor General Menardo Guevarra at Department of Justice (DOJ) Sec. Boying Remulla para sagutin ang ICC.
Kung maaalala, isa rin sa iginigiit ng pamahalaan na gumagana pa rin ang justice system ng bansa kung kaya hindi na kinakailangan ang panghihimasok ng International Criminal Court, na kailangan ring mapatunayan ng Pilipinas.