NAGA CITY- Nangangamba ang mga mamamayan ng Paracale, Camarines Norte sa pagdaong ng isang barko na mula sa China na sakop ng nasabing lugar.
Nag-ugat ang takot ng mga mangingisda at ng mga mamamayan dahil na rin sa mainit na usapin sa West Philippine Sea.
Sa opisyal na pahayag ng Paracale Coast Guard, nabatid na lulan ng barge ang labing isang Pinoy na pawang mula sa Visayas habang lulan naman sa barko ang tatlong Chinese National, labing dalawang Burmese at dalawang Vietnamese.
Ayon pa sa naturang ahensya, nabatid na naka kontrata ang barge na MV Carmens sa mismong kumpanya ng barkong Feng Hua Mining Company upang isakay ang nasa 10 thousand tons ng Iron Ore o Blacksand na kukunin sa nasabing lugar patungo sa China.
Paliwanag ng Philippine Coast Guard, nakakuha sila ng notice of arrival mula sa Legazpi Regional Office kung saan ang barge ay kukuha lamang ng nasa 8,000 toneladang buhangin.
Giit pa nito, hindi rin daw malinaw kung anong uri ng buhangin ang kukunin ng nasabing barge.
Samantala, napag-alaman na walang kaukulang dokumento ang barge at barko upang makakuha ng mineral na naroon sa nasabing lalawigan.
Mababatid na may dati ng nagreklamo sa nabanggit na aktibidad noong taong 2013 kung saan nakumpiska ang Iron Ore ng Mines Bureau and Geoscience.