NAGA CITY- Patay ang isang pasahero ng habal-habal habang sugatan naman ang isa pa matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa bayan ng San Andres, Quezon.

Kinilala ang namatay na si Myrna Carabiena, 47-anyos, habang kinilala naman ang isa pang biktima na si Olympia Acejo Linab, 59-anyos, residentes ng Brgy. Pansoy sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nangyari ang aksidente sa bahagi ng San Andres-San Narciso Road kung saan sakay ang mga biktima ng isang habal-habal na motorsiklo na minamaneho naman ni Jerome Layon Abayo 21-anyos, isang habal-habal driver at residente ng Brgy. Mangero sa naturang bayan ng makasalubong nito ang aksidente.

Ayon sa imbestigasyon ng mga otoridad, sinubukan kasi ng suspek na si Abayon na iwasan ang isang bato sa kalsada dahilan para mawalan ito ng kontrol sa kaniyang minamaneho na nagresulta sa pagkakasemplang ng motorsiklo.

Dahil dito, dead on the spot si Carabiena habang sugatan naman ang isa pa.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.