NAGA CITY – Sugatan ang isa sa mga tropa ng gobyerno sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo sa Barangay Del Carmen, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa 9th Infantry Division Philippine Army, nabatid na habang nagsasagawa ng combat operations ang mga miyembro ng 9th infantry division sa nasabing lugar ng makaengkwentro ng mga ito ang hindi pa natutukoy na bilang ng pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo.
Ayon pa dito, nagtagal umano ng halos 20-minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at mga rebeldeng grupo.
Samantala, narekober naman ng mga sundalo sa pinangyarihan ng insidente ang 33 piraso ng nasa 7-10 kgs kada piraso ng Improvised Explosive Device, 22 piraso ng 4-5 kgs na Improvised Explosive Device at ilang piraso ng IED components.
Sa kabila nito, dalawang behikulo na may dalawang driver at anim na security personnel galing sa grupo ng 96IB ang umalis na sa Bataan para sunduin ang sugatan na miyembro ng 9th ID kasama ang mga nakumpiskang mga IEDs.
Sa ngayon, nagsagawa na ng imbestigasyon, checkpoint at follow up sa mga ospital at clinics ang mga miyembro ng Lagonoy Municipal Police Station para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng mga pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo.