NAGA CITY – Kasulukayan nang naka-quarantine ang alkalde ng Pasacao gayundin ang asawa nito matapos na magpositibo sa COVID-19.
Sa opisyal na pahayag ni Pasacao Mayor Niño Tayco, nakasaad dito na nagpositibo ito at ang kanyang maybahay na si Maryol Tayco matapos ang isinagawang RT-PCR test noong nakaraang Linggo, Hunyo 6.
Mababatid na Hunyo 3 pa ng sumailalim ang mga ito sa quarantine kung saan patuloy pa ring minomonitor ng kanilang mga doktor.
Ayon pa kay Tayco, nakakaramdam umano ang mga ito ng panghihina ng katawan, pabalik-balik na lagnat na may kasamang panginginig, pagtatae, at pananakit ng kalamnan.
Samantala, panawagan na lamang ng nasabing opisyal sa mga posibleng nakasalamuha nito na agad dumulog sa pinakamalapit na health center para mabigyan ng karampatang atensyong medikal.
Sa ngayon, hiling na lamang ng alkalde ang pang-unawa at panalangin ng kaniyang mga kababayan para sa kanilang agarang paggaling laban sa nakamamatay na sakit.