NAGA CITY – Hindi pinayagan ng kapitan ng San Francisco, Bombon, Camarines Sur na makapag blotter ang isang babae na biktima ng pananapak ng lasing na barangay tanod ng nasabing lugar at ito pa umano ang sinampahan ng kaso ng suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ronalyn Mendillo, biktima sa nasabing insidente, sinabi nito na bandang alas-2 ng madaling araw ng magkaroon ng rambolan sa loob ng sayawan at nabugbog ang isa sa mga dayo na mula naman sa Barangay San Antonio.
Dahil sa pangyayari nawalan ng malay ang nabugbog na nilapitan naman ng anak ni Mendillo upang tulungan, na agad rin naman nitong pinigilan sa takot na baka madamay pa ito sa gulo.
Dito naman dumating ang naka duty na tanod ng mga oras na ito na si alyas Ronel na nasa ilalim rin ng impluwensya ng alak at nanakit pa, at dito na nga nasapak ng tanod sa kaniyang labi sa Mendillo.
Hindi naman umano malaman ng biktima kung bakit ito sinaktan ng nasabing tanod at maliban sa kaniya ay mayroon pa itong dalawa pang sinaktan, kung saan ang isa sa mga ito ay inambahan pa ng tubo sa kaniyang noo, habang ang isa naman ay pinagsusuntok sa likod.
Kinabukasan matapos ang insidente, lumapit naman ang mga biktima sa kapitan ng kanilang barangay upang ipa-blotter ang nasabing tanod ngunit hindi umano pumayag ang opisyal at sinabihan sila na magreport na lamang sa pulis.
Nilinaw naman ni Mendillo na dalawa sa kanila ay may dalang medical certificate patunay na nasaktan at may tinamo silang mga sugat dahil sa pag-aamok ng tanod.
Sa kasamaang palad, parang nabaliktad pa ang nangyari dahil sila pa umano ang kinasuhan ni alyas Ronel.
Sa ngayon, panawagan na lamang ni Mendillo na sana ay maging patas ang barangay lalo na sa pagpapatupad ng batas at walang papanigan kahit pa ito’y kawani ng kanilang opisina.