NAGA CITY- Sugatan ang isang babae matapos pagbubugbugin sa Real, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jacquilyn Sabido Tigao, 37-anyos, residente ng Brgy. San Antonio San Francisco Del Monte, Quezon City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang nakikipag-inuman ang biktima kasama ang kaniyang mga kaibigan sa nasabing bayan nang magkaroon ng mainit na diskusyon ang suspek na kinilalang si Pydrick Barbon, 32-anyos sa kaniyang live-in partner.

Kaugnay nito, sinubukan sanang awatin ni Tigao ang dalawa ngunit binalingan ni Barbon ang biktima at pinagbubugbog.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagtamo ng tama sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan upang mawalan ito ng malay.

Kaugnay nito, agad naman na dinala sa ospital sa Tigao para sa asisitensiya medikal.

Sa likod nito, nabatid pa na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang nasabing suspek.

Samantala, agad naman na nakatakas ang suspek matapos ang insidente.

Sa ngayon, patuloy pa rin na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.