NAGA CITY- Patay ang isang barangay Kapitan matapos pagbabarilin sa Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Geoffrey Castillo, 58-anyos, residente ng Brgy. Macogon sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Juancho Ibis, hepe ng Labo Municipal Police Station, sinabi nito na habang natutulog ang biktima at ang kaniyang asawa sa kanilang bahay ng biglang dumating ang tatlong hindi pa nakikilalang mga suspek at nagpanggap na nangangailangan ng tulong mula sa biktima ngunit ng buksan na ni Castillo ang kanilang pinto, dito na ito pinagbabaril ng mga suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad naman sanang dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, ayon pa kay Ibis, wala naman umanong kaaway sa kanilang lugar ang naturang biktima.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na ang pagtukoy sa motibo sa krimen gayundin ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.