NAGA CITY- Agad na isinailalim sa extreme enhanced community quarantine (ECQ) ang lugar kung saan naitala ang bagong tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Manuel Berja ng barangay Abella ng nasabing lungsod, sinabi nito na isang zona ng kaniyang barangay ang isinailalim sa extreme lockdown na tinatayang mayroong 200 na mga residente.
Ito’y isang araw bago ang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ).
Kung sakali naman umanong may kailangan ang mga residente dito ay kailangang ipagbigay alam na lamang sa mga otoridad na nakabantay sa lugar.
Sa ngayon, kasalukuyan nang ginagawa ang contact tracing sa lugar lalo na sa mga kapamilya ng pasyente na isang healthcare worker.
Naniniwala naman si Kapitan Berja na nakuha ng pasyente ang nasabing sakit sa kanyang mismong pinapasukang trabaho.
Kung maaalala, una nang napabalita na ang naturang pasyente ay na-admit sa Bicol Medical Center (BMC) habang isa ito sa mga health worker na nakaassign sa COVID ward ng naturang ospital.