NAGA CITY -Sugatan ang isang babaeng estudyante matapos makuryente ng live wire sa Iriga City.

Kinilala ang biktima na isang 17-anyos na estudyante at residente ng Caramoan, Camarines Sur.

Ayon kay Pcpt. Bella Vergara Cereno- PIO/PCAD ng Iriga City Police Station, na ang estudyante ay nangungupahan sa isang boarding house sa nasabing lungsod.

Sa kanilang imbestigasyon, nabatid na naglalaba ang biktima sa rooftop ng nasabing boarding house, nang aksidenteng mahawakan nito ang livewire at nakuryente na nagresulta sa pagkahulog ng biktima mula sa 2nd floor hanggang sa ikalawang palapag ng bahay.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Samantala, agad namang nakipag-ugnayan ang PNP sa Iriga MDRRMO at CASURECO III para putulin ang linya ng kuryente sa nasabing lugar, habang agad namang dinala sa ospital ang biktima para sa tulong medikal.