NAGA CITY-Pinatunayan ng isang grade 12 student mula sa Ragay Camarines Sur na kaya rin makipagsabayan ng mga Bikolano sa paglikha ng mga portraits gamit ang Rubik’s Cube Mosaic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Faye Julianne Casquejo, Rubik’s Cube Mosaic Artist, mula Ragay,Camarines Sur, sinabi nito na nagsimula itong mahilig sa mosaic arts noong Grade 6 pa lamang dahil pinakilala umano ng kanyang guro sa elementarya ang nasabing sining.
Aniya, noong panahon ng pandemya, dito nito napatunayan na sa murang edad, kaya na nitong makipagsabayan sa iba pang mga artist at sa iba pang bansa sa ganitong larangan.
Bibihira kasi aniya sa Pilipinas lalo na sa Bicol ang paglikha ng portraits gamit ang puzzle cubes
Samantala, tampok naman sa kanyang obra ang portrait ni Hesus na kanyang unang obra gamit ang 100 puzzle cubes, at ang iba pang mga sikat na personalidad.
Kaugnay nito, isa rin sa nararanasan nitong hirap ay ang pagod at pangangalay dahil inaabot umano ito ng halos 2 oras bago matapos ang isang portrait. Ngunit matapos makita ang resulta ng kanyang pinaghirapan na artwork, labis naman itong natutuwa gayon din nang kanyang mga pamilya na todo suporta sa kanyang talento lalong lalo na ang kanyang Ina na isang OFW.
Sa ngayon, wala pa umano itong plano na ibenta ang kanyang mga artworks dahil mas pinagpopokusan pa nito ang kanyang pag-aaral lalo na’t graduating ito sa high school ngunit natutuwa naman ito na maibahagi ang kanyang likha upang maging inspirasyon sa iba.