NAGA CITY-Patay ang isang ina matapos itong pukpukin sa ulo ng sarili nitong anak sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si alyas Mercy, 49 anyos, habang kinilala naman ang suspek na si alyas Jay-R, 27 anyos, parehong residente ng Purok 3 Brgy Sampaloc 1 ng nabanggit na bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nakakuha aniya ng tawag ang kanilang hepatura galing sa isang ospital na may dinala ditong isang babae na may injury sa ulo para sa tulong medikal.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, habang natutulog aniya si alyas Mercy sa kanilang bahay ay bigla na lang itong pinukpok ng pala sa kanyang ulo ng kanyang anak na si alyas Jay-R.

Kaagad naman sanang dinala ito ng kanyang mga kapamilya sa nabanggit na ospital ngunit idineklara rin lang naman itong dead on arrival ng doktor.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon dito naman nalaman na mayrooong problema sa kanyang isip ang suspek na si alyas Jay-R.

Sa ngayon dinala na ang suspek sa Sariaya Municipal Police Station para sa karampatang disposisyon.