NAGA CITY – Nagpadala ng isang truck na balat ng niyog ang lokal na pamahalaan ng Libmanan, Camarines Sur upang makatulong sa mga apektadong lugar ng oil spill dahil sa lumubog na oil tanker sa central Luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edelson Marfil, Municipal Councilor ng nasabing bayan, sinabi nito na bahagi ng kanilang adbokasiya ang makatulong sa mga nangangailangan.
Kung kaya kahit pa milya-milya ang layo ng kanilang lugar sa pinangyarihan ng oil spills ay hindi ito nagdalawang isip na magpadala ng isang truck ng balat ng niyog na gagamitin upang matangal ang mga oil spills sa karagatang sakop ng Cavite.
Maalaala, idineklara ang state of calamity sa ilang lugar sa central Luzon kasunod ng paglubog ng oil tanker sa karatig lalawigan ng Bataan.
Ang nasabi naman na bayan ay pangunahing hanap buhay ang pagniniyog kung kaya’t marami sana silang maibibigay na balat ng niyog sa nasabing apektadong lugar, ngunit limitado lamang ang kanilang kakayahan upang makapagpadala nito.
Sa kabila nito, hanggat patuloy umanong humihingi ang Cavite ng balat ng niyog ay patuloy rin silang maghahanap ng paraan upang makapag supply dito.